MANILA, Philippines – Ipinag-utos kahapon ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 142 na arestuhin si Senator Antonio Trillanes IV kaugnay nang isinampang libel case ni dating Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay.
Sa pahayag ni Atty. Maricel Cairo, clerk of court ng Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 142, otomatiko ang pag-iisyu ng warrant of arrest laban kay Trillanes dahil sa nakitaan ng “probable cause” ang kaso.
Ang reklamo ni Binay laban kay Trillanes dahil sa mga pahayag nito partikular noong Abril 7, 2015 sa ilang programa sa radio at TV stations na sinuhulan ng una ang mga miyembro ng 6th Division of the Court of Appeals sa pamamagitan nang pagbabayad ng milyong piso kapalit ng TRO upang ipatigil ang suspension order na ipinalabas ng Ombudsman sa kanya.
“Ang naging pahayag ni Trillanes ay walang batayan at kathang isip lang na ang nais ay siraan ang aking pagkatao maging ang pangalan ng aking pamilya.” wika ni Binay.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na handa nilang arestuhin si Trillanes at hinihintay lamang nila ang warrant of arrest ng korte bago ipatupad ang pag-aresto dito.
Ipinaliwanag ni Mayor na wala silang dapat piliin o iwasang pagsilbihan ng warrant of arrest dahil ang mandato ng PNP ay ipatupad ang batas maging sinuman ang masagasaan.
Gayunpaman, sinabi ng opisyal na pangkaraniwan sa ganitong mga kaso, mabilis na nakapagbabayad ng piyansa ang kampo ng akusado bago pa man matanggap ng pulis ang kopya ang warrant of arrest kaya kadalasan ay hindi na ito naisisilbi pa.