MANILA, Philippines – Bulagta ang isa sa tatlong presong pugante matapos itong makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Balayan Old Cemetery, Batangas noong Sabado ng hapon.
Kinilala ang napatay na pugante na si Ajie Mendoza habang kritikal naman si P01 Arnel Abellera ng Balayan PNP matapos tamaan ng bala sa mukha at kasalukuyang isinasalba ang buhay sa Madonna General Hospital.
Samantala, naaresto naman ang puganteng si Jessie Pega matapos matunton ng mga pinagsanib na operatiba ng Balayan police, Provincial Public Safety Company (PPSC) at Provincial Intelligence Branch (PIB) sa bahay ng kaibigan nito sa Barangay Kaylaway sa bayan ng Nasugbu noong Sabado ng gabi.
Sumuko naman ang puganteng si Marvin Ceralbo na may kasong illegal drugs matapos masukol sa bahay nito sa Roxas Village, Brgy. Lumbangan sa nasabing bayan.
Base sa tala ang pulisya, napatay ng tatlong pugante si Deputy Warden Leonardo De Castro matapos agawan ito ng baril at paputukan sa ulo noong Sabado ng madaling araw.
Patuloy na isinasalba ang buhay ni PO3 Rhoderick Botavara ng Balayan PNP matapos na pagbabarilin din ng tatlong preso na tinangka nitong pigilan sa pagtakas.
Nagawang makatakas ang tatlong preso matapos lagariin ang rehas ng kanilang bintana gamit ang string ng gitara.
Sinibak naman na sa puwesto ang Jail Warden ng Balayan na si Jail Inspector Nicanor Matining kung saan pumalit s J/Insp. Melchor H. Dames
Pinapurihan naman ni P/Senior Supt. Arcadio Ronquillo Jr. Batangas PNP director ang kanyang kapulisan dahil sa mabilisang pagkakalutas sa nasabing insidente.