MANILA, Philippines – Bugbog-sarado ang dalawang abogado sa grupo ng kabataan matapos itong mambastos ng kasamang dalaga sa Cable Card Bar sa Tomas Morato, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Jonald Onida ng Kamuning PNP, sinasabing senglot si Atty. Carlo Austria kasama ang ilang kaibigan nang nakiupo umano sa kanilang table ang isang senglot din na dalaga na mula sa kabilang table ng grupo ng kabataan.
Ayon kay PO2 Onida, dito na nagsimulang magalit ang kasamahang lalaki ng dalaga dahil binabastos umano ni Attorney Austria si alyas Mahan.
Sinasabing nilapitan ng mga lasing na kabataan si Austria at sinabihang ayusin na lang sa labas ang problema.
Subalit paglabas ni Austria ay dito na siya inupakan ng mga suspek na sina Bryan Malonzo ng Sta. Mesa Manila, Martin Escaño, at si Manny Aguilar na kapwa nakatira sa Caloocan City.
Dahil may isa pang abogado na si Attorney Olando Casimiro na nasa kabilang mesa ang nagtangkang tumulong kay Atty. Austria kaya inupakan din ito ng grupo ng kalalakihan.
Agad namang nagtungo ang dalawang abogado sa himpilan ng pulisya para ireklamo ang mga suspek.