MANILA, Philippines – Inalerto na kahapon ni Joint Task Group (JTG) Commander Brig. Gen. Alan Arrojado ang tropa ng militar kasunod ng pagkakasiwalat ng planong pagsasagawa ng serye ng pambobomba ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa downtown ng Jolo, Sulu.
Ayon kay Arrojado, namonitor ng mga intelligence operatives ang grupo ni Abu Sayyaf bomber Namil “Gapas” Ahajari kasama ang mga kasamahan na magsagawa ng pambobomba sa kapitolyo ng Jolo.
“Accordingly, said hostile plan/action is to divert the focus of military troops currently conducting military operations targeting their group in the hinterlands of Patikul & Talipao municipalities,” ayon pa kay Arrojado.
Samantala, nabunyag din ang nasa likod ng pambobomba sa videoke bar sa Tabak Village sa Brgy. Busbus, Jolo noong Enero 28 ng gabi na ang grupo ni Abu Sayyaf member Roger Saji na kasamahan ni Gapas.
Inihayag pa ni Arrojado na partikular na target ng Abu Sayyaf ay ang Brgy. Kakuyagan kung saan madalas na makita ang presensya ng tropa ng militar sa Serrantes Street gayundin ang mga namamalengke sa hanay ng mga sundalo.
Ayon pa sa heneral, nagpapatuloy naman ang law enforcement operations laban sa grupo ng mga bandido na hawak pa rin ang mga nalalabing bihag.
Kabilang sa mga nalalabing bihag na target ng search and rescue operations ay ilang dayuhan na ipinagpapalipatlipat ng taguan sa kagubatan ng Sulu.