MANILA, Philippines – Magpapatupad na naman ng big time price rollback ang ilang kumpanya ng langis para sa liquefied petroleum gas (LPG) ngayong araw.
Ito ang ipinahayag kahapon ng Eastern Petroleum Philippines.
Magtatapyas ito ng P3.36 sa kada kilo ng LPG na katumbas ng P36.96 sa bawat 11 kilogram.
Magiging epektibo ang rolbak bandang alas-6 ng umaga bukas ( Pebrero 1).
Habang wala namang paggalaw sa presyo ng auto-LPG.
Asahan naman na susunod ang iba pang kompanya sa bawas-presyo.
Ang bagong big time price rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Nabatid na noong Enero 1, pinangunahan ng Petron Corporation ang bawas-presyo na nasa P4.85 kada kilo ng LPG at Fiesta Gas katumbas ng P53.25 tapyas sa regular na tangke habang nagbaba naman ng P2.70 sa presyo ng auto-LPG na agad sinundan ng Solane at Eastern Petroleum.