MANILA, Philippines – Walang sinasanto ang mga rugby boys matapos nitong pitasin ang gintong hikaw at kwintas ng magdyowang Polish at Indian nationals sa magkahiwalay na nakawan sa Maynila noong Biyernes ng hapon.
Sa reklamong idinulog sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section ng biktimang si Joanna Sychovics, 26, tubong Poland, civil engineer at nanunuluyan sa Adriatico, Malate, Maynila, habang naglalakad sila ng nobyong si Maciej Michalek sa Soler Street, Binondo, Maynila nang biglang hablutin ang kaniyang hikaw.
Dahil sa paghingi ng saklolo sa mga tao ay nadakip naman ang suspek na si Val Catucod, 29, subalit hindi na narekober ang hikaw na posibleng ipinasa sa kasamahan.
Samantala, bandang alas-6 ng hapon nang agawan naman ng kwintas si Apeorsia Hanne, 22, estudyante, at nanunuluyan sa UPHSD Dormitory sa Las Piñas City.
Naglalakad sa gilid ng Indian Temple sa Paco, Maynila nang hablutin ng suspek ang suot niyang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng P20,000.
Sinasabing nagkalat na mga rugby boys na may hawak na maliit na plastic bag ang gumawa ng dalawang snatching dahil sa paglalarawan ng mga biktima.
Nagbubulagbulagan naman ang pamunuan ng MPD sa mga nagkalat na rugby boys na salot sa pag-unlad ng Maynila.