MANILA, Philippines – Dalawang katao ang naiulat na nasawi habang lima ang nasugatan sa magkakahiwalay na sunog sa Taguig City, Maynila at Las Piñas City.
Sa Taguig City, nasawi sa suffocation ang biktimang si Manuela Buquel, 96, ng Apag St., Barangay Ususan matapos makulong sa kuwarto ng nasusunog niyang bahay dakong alas-10:45 ng umaga.
Tanging ang bahay lang ni Buquel ang nasunog matapos maideklarang fireout dakong alas-11:11 ng umaga.
Namatay din sa suffocation ang isang Jonjon Comandante habang dalawa ang nasugatan sa naganap na sunog sa Morong kanto ng Hermosa Sts., Tondo, Maynila, kamakalawa ng alas-7:30 ng gabi na nagsimula sa bahay ng isang Lito Balmaceda sa no. 999 Int., 2 Morong St., Tondo, Maynila.
Nadamay din ng sunog ang may 15 katabing bahay na tinatayang may nakatirang 30 pamilya at dakong alas-9:25 ng gabi nang ideklarang fireout ang sunog.
Nasunog naman ang 40 bahay sa Las Piñas City na ikinasugat ng tatlong katao kamakalawa ng alas-7:30 ng gabi.
Ang mga nasugatan dahil sa tinamong 1st degree burn ay kinilalang sina Florencio Alfaro, 52; Elsa Sevilla, 42; at Mary Ann Importante, 50, pawang mga residente ng Trinidad St., Barangay Pamplona Uno ng naturang lungsod.
Nabatid na nagsimula ang sunog sa kusina ng bahay ng isang Carlito Lutina sa San Isidro Compound ng naturang lugar.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa kahoy ang mga kabahayan at nagbagsakan ang tatlong biktima ng mga naglalagablab na yero at kahoy.
Halos magdadalawang oras bago naapula ang apoy.