MANILA, Philippines – Pinangangambahan ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Executive Director ret. Gen. Dionisio Santiago ang seguridad ng buhay ni dating drug buster Marine Col. Ferdinand Marcelino matapos na ito ay ilipat sa kulungan ng BJMP sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City mula sa kulungan ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Santiago na hindi malayong mangyari ang kanyang pangamba na ipatumba ng sindikato ng droga si Marcelino sa Bicutan jail dahilan sa impluwensya ng pera at koneksyon.
“Isang riot lang kunwari, tapos na si Marcelino”, ani Santiago.
Handa umanong magbayad ng malaking halaga ang mga sindikato ng droga na nasagasaan ni Marcelino para maitumba lamang ito.
Si Santiago ang kumuha kay Marcelino para maging operatiba ng PDEA ay naghayag na pangamba sa pinagkulungan ni Marcelino lalo pa at marami itong ipinakulong na mga miyembro ng sindikato ng illegal na droga.
Si Marcelino ay nahaharap sa patung-patong na kaso makaraang maaktuhan ito sa loob ng Celadon Residences sa Sta. Cruz, Manila na binabantayan ng mga otoridad kung saan nasamsam ang P320-M halaga ng shabu, kemikal at mga kagamitan.
Isinagawa ng PNP-AIDG ang paglilipat ng kulungan kay Marcelino matapos itong ipag-utos ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez dahilan masyado umanong masikip ang detention facility na kinapipiitan ni Marcelino sa Camp Crame.
Inamin ni Santiago na nalulungkot siya sa nangyari dahil ginawa umanong dispensable asset si Marcelino nang hindi pa naimbestigahan ng husto ang tunay na mga pangyayari at ito ay isang irreversible damage na mahihirapan nang malusutan ng dating tauhan.
“Kung nasa labas siya 50-50 ang tsansa niya may kakayahan siyang lumaban o ipagtanggol ang kanyang sarili, makipagbarilan siya sa babanat sa kanya, ani Santiago.