PCSO Chairman kinasuhan ng graft sa Ombudsman
MANILA, Philippines – Tuluyan nang sinampahan ng isang transparency watchdog ng kasong graft sa Office of the Ombudsman si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Irineo “Ayong” Maliksi dahil sa umano’y pagpapalabas ng higit sa P2 milyong pondo para sa kanyang tsuper.
Sa walong pahinang affidavit complaint, inakusahan ni Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) president Jennifer Castro si Maliksi na lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pag-eendorso ng P2.1 milyong halaga ng medical assistance para sa driver niyang si Celestino Aman na naratay sa Philippine Heart Center.
Nakasaad umano sa polisiya ng PCSO na ang ibinibigay na medical assistance sa isang pasyente ay base sa “socio economic evaluation” nito, percentage ng net bill habang hindi rin sakop ang professional fee, room charges at mga discounts.
Ipinunto rin sa reklamo ang pagpapagamit umano ni Maliksi sa natira niyang P700,000 alokasyon mula sa kanyang “pork barrel” noong mambabatas pa siya ng Cavite para mapunan ang kakulangan sa hospital bill ni Aman na may kabuuang P2,851,955.
Lumabag din umano si Maliksi sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees dahil sa pagbalewala umano sa interes ng publiko sa pagpapagamit ng pondo ng taumbayan sa isang tao lamang.
- Latest