MANILA, Philippines – Napaslang ang dalawang lalaki habang isang pulis ang nasugatan matapos na holdapin ng mga ito ang isang bangko sa Sta. Cruz, Laguna kahapon.
Batay sa ulat ni Sr. Supt. Ronnie Montejo, Officer-in-Charge ng Laguna Police, bandang alas-10:20 ng umaga nang holdapin ng mga suspek ang isang sangay ng Philippine National Bank (PNB) na matatagpuan sa Brgy. Poblacion 1, Sta Cruz ng lalawigang ito.
Nabatid na nagpanggap umanong kustomer ng bangko ang anim na suspek at agad dinisarmahan ang guwardiya rito at inutusan ang teller na ilagay ang pera sa bag.
Agad namang nagresponde ang mga elemento ng Sta. Cruz Police sa ilalim ng superbisyon ng hepe nito na si Chief Inspector Jeric Soriano matapos na matanggap ang ulat na may nagaganap na bank robbery sa sangay ng PNB sa lugar.
Habang papatakas ay nasabat ang mga suspek ng mga operatiba ng pulisya at dito na nagkaroon ng shootout at dalawa sa mga suspek ang nasawi habang isa naman sa mga pulis ang nasugatan.
Dakong alas-10:27 ng umaga ay nadakip sa follow-up operation ang dalawa pang suspek sa checkpoint sa Brgy. Nagtalangan sa bayan ng Nagcarlan, Laguna na kinilalang sina Pablo Javier, 39 ng Commonwealth, Quezon City at Gerald Mendoza, 28 ng Cagayan de Oro City.