Matapos magturuan sa Mamasapano probe... AFP, PNP sinabon ni Enrile
MANILA, Philippines – This is a wake up call for the country.That shows there is no leader handling the entire system in a critical moment. Nagtuturuan kayo eh!...Eh sasalakayin tayo ng Tsina at ganyan gagawin ninyo? Maleletse ang buong Pilipinas di lang kayo. My God!.”
Ito ang galit na sinabi ni Senator Juan Ponce Enrile sa pagtuturuan ng mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kaugnay sa mga nangyari sa Mamasapano encounter sa isinagawang hearing kahapon.
Sinabon ni Enrile sina dating SAF chief Getulio Napeñas at Army Major General Edmundo Pangilinan matapos magturuan at magsisihan sa palpak na operasyon.
Partikular na sinabon ni Enrile si Pangilinan, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army dahil hindi kaagad nagbigay ng artillery support sa SAF habang nakikipaglaban ang mga ito.
Nainis si Enrile sa naging sagot ni Pangilinan kay Napeñas na hindi siya basta-basta makakalusob at makakapag-bomba kung hindi sapat ang ibinigay sa kanilang impormasyon mula sa ground.
Hindi nagustuhan ni Enrile ang nasabing sagot dahil kung ginigiyera na umano ang bansa, ay dapat maging flexible at hindi doctrinal ang kumander ng militar.
“My goodness Gen.Pangilinan! In a running battle, is that how are you going to handle a critical situation? If this is war, my God the country will be in a terrible peril if you are the commander, a commander is supposed to know his area of operation and you have to innovate, you have to be flexible not doctrinal,” ani Enrile.
Matatandaan na sa mga nauna nang pagdinig ng komite inamin ni Napeñas na sinadya nilang hindi ipaalam kaagad sa AFP ang operasyon at gawin na lamang itong “time on target” o ipaalam sa mismong oras dahil ang mga nauna nilang misyon ay nabulilyaso o hindi natutuloy kapag nakikipag-coordinate sa militar.
Sa pagsisimula pa lamang ng pagdinig ay agad na sinabi ni Enrile na may direktang partisipasyon si Pangulong Noynoy Aquino sa nasabing insidente sa Mamasapano at nilimitahan lamang niya ang kanyang sarili at kay Deputy Director General Alan Purisima ang nasabing misyon na tinawag na Oplan Exodus.
Deretsahan din sinabi ni Enrile na si Pangulong Aquino ay responsable sa palpak na operasyon ng SAF na ikinasawi ng 44 miyembro.
Nagtatago anya, si Pangulong Aquino sa likod ng kanyang kaibigan na si Purisima upang makaligtas sa anumang pananagutan sa pagkamatay ng SAF 44.
Sinabi rin ni Enrile na ang Pangulo ang “approving authority” at tahasan din umano nitong isinantabi ang command system sa pagitan ng AFP at PNP.
Matatandaan na naka-hospital arrest si Enrile nang isagawa ang mga unang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Grace Poe.
- Latest