MANILA, Philippines – Sa halip na sumuko ay nakipagbarilan umano ang isa sa tatlong holdaper na nangholdap sa tindahan ng litson manok kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Ang suspek na idineklarang dead-on arrival sa ospital ay kinilalang si Larry Dela Torre, alyas Larry Mata, 40, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at nakatira sa kahabaan ng Capulong St., Brgy 93 Zone 8, District I, Tondo, Maynila.
Batay sa ulat, bago nangyari ang barilan dakong alas-2:30 ng madaling araw sa nasabing lugar nagreklamo ang isang Raymund Alojado, kawani ng Andok’s Lechon Manok na matatagpuan sa kahabaan ng Juan Luna Street na hinoldap ng tatlong kalalakihan kabilang ang napatay na si Dela Torre.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga otoridad at ginalugad ang lugar na kinaroonan ng suspek at dalawa pa nitong kasamahan.
Subalit, pagsapit sa lugar ay namataan agad si Dela Torre at dito na nagkaroon ng putukan at tinamaan ito.
Napag-alaman na si Dela Torre ay dati nang naaresto at nakulong sa Raxabago PS 1 noong Hunyo 22, 2015 sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong panghoholdap.