MANILA, Philippines – Hindi nakaligtas kay Senador Juan Ponce-Enrile sa kanyang pagsusuri ang mga ginawang presentasyon ni Atty. Renato Bondal sa muling pagbubukas kahapon ng pagdinig ng Blue Ribbon Subcommittee sa alegasyon ng korapsyon laban kay Vice President Jejomar Binay.
Kaya’t ginisa ni Enrile si Bondal kung saan nito nakuha ang mga koneksyon ng sinasabing mga kaibigan ni Binay sa iba’t ibang kumpanya at magkano ang halaga ng dumadaang pera rito.
Ayon kay Enriel, nirerespeto niya ang mga presentasyon ni Bondal, subalit hindi ibig sabihin na tama at totoo ang mga ito ayon sa batas.
Anya, kulang ang ginawang pananaliksik ni Bondal at pawang mga espekulasyon lang ang pahayag na ito na hango lamang sa ulat ng mga dyaryo.
Idinagdag pa ni Enrile na hindi lulusot sa korte ang mga alegasyon laban kay Binay.
“Pag-ipapakita mo yan sa husgado, that’s meaningless.You have to trace the money, saan galing”, paano nangyari ang transfer ng pera.” tanong ni Enrile kay Bondal.
Inihayag din ni Enrile na “misleading figures” ang mga idinetalyeng anomalya na ‘di umano may koneksyon kay VP Binay.
Sinabi naman ni Atty. Rico Quicho, vice presidential spokesperson for political affairs na walang pagbabago ang ginawang hearing ng komite kung ano ang pinasimulan nila ay ganun din ang nangyari na pawang walang katotohanan, binabago lang ang pagsisinungaling, walang basehan ang mga alegasyon, pagsasayang lang ng panahon at pera ng taumbayan.