MANILA, Philippines – Namatay ang isang 14-anyos na tinedyer matapos na siya ay masagasaan ng van nang tumilapon sa sinasakyang motorsiklo na nabangga naman ng kasalubong na motorsiklo kamakalawa sa Quezon City.
Ang nasawi ay kinilalang si Rosalito Norcio, residente ng Barangay Commonwealth sa lungsod. Habang sugatan ang kasama nitong sina Carlo Somande, 15; at Rex Taplina, 15, driver ng sinasakyan nilang Yamaha motorcycle (TE-3810); at Roger Malasaga, miyembro ng Barangay Public Sefety Offiicer ng Fairview, at driver naman ng isang pang motorsiklo.Tumakas naman ang driver ng L-300 van.
Batay sa ulat, dakong alas-3:50 ng hapon sa kahabaan ng Regalado Avenue Extension, kanto ng Liric St., West Fairview ay binabaybay ng Yamaha motorcycle na minamaneho ni Taplina angkas sina Norcio at Somande at pagsapit sa nasabing lugar ay nagloko ang makina at nabundol ng motorsiklo ni Malasaga.
Tumilapon si Norcio at bumagsak ito sa kalye na siya namang pagdating ng L-300 van at nasagasaan ito.