MANILA, Philippines – Nakatakdang kasuhan si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi ng isang transparency group dahil sa isyu ng “ghost employees” at “preferential treatment” ng kanyang tanggapan
Ayon kay Jennifer Castro, pangulo ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE), ang pagsasampa ng kaso ay upang mapigilan si Maliksi sa umano’y walang patumanggang paggamit sa pondo ng gobyerno bunsod ng pagpabor sa mga taong malapit sa kanya.
Una nang ibinulgar ng FATE ang pagkakaroon ni Maliksi ng nasa 30 consultants sa kanyang tanggapan sa kabila ng pahayag nito na wala nang pondo ang PCSO.
Kabilang dito ang 13 confidential agents at 10 consultants na makakatanggap pa ng suweldo hanggang Marso, pero hindi naman umano nagpapasok.
Kabilang din sa nakalap na datos ng FATE ang pagbibigay ng P2.1 milyong “medical assistance” sa kanyang tsuper na naratay sa Philippine Heart Center nitong nakaraang taon.
Nabatid na si Maliksi ang nagsulong na mailabas ang malaking halaga na maaari umano na napaghati-hati at napakinabangan ng ibang humihingi ng tulong sa PCSO.