MANILA, Philippines – Wala sa radar ng PNP-AIDG ang Marine officers na si Lt. Col. Ferdinand Marcelino simula ng umalis ito sa hanay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito ang pahayag ni PNP-Anti Illegal Drugs Group (AIDG) spokesman P/Chief Insp. Roque Merdegia laban kay Marcelino kasama ang dayuhang si Yan Yi “Randy” Shou sa isinagawang raid sa mini-laboratory sa Sta. Cruz, Manila noong Huwebes.
Ayon kay Mardeguia, wala sa kanilang listahan ng mga target personality si Marcelino kaya nagtataka rin sila kung bakit naroon ito sa loob ng nasabing bahay sa inilunsad na operasyon.
Hindi pa rin malinaw ang kaugnayan ni Marcelino sa grupo ng dayuhang si Atong Lee dahil mas malinaw pa ang koneksyon nito kay Shou na kasama niyang nasakote sa nasabing lugar.
Nakikipag-ugnayan na ang PNP-AIDG sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang makakuha ng kompirmasyon sa mission order na hawak ni Marcelino dahil tanging ang sertipikasyon pa lamang ang kanilang hawak na isinumite ng Intelligence and Security group ng Philippine Army.
Sa naturang sertipikasyon ay nakasaad na nagbibigay ng intelligence information si Marcelino laban sa ilang sundalo na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.
Wala ring personalidad na lumutang para patunayan ang sinabi ni Marcelino kaya napilitang arestuhin ito at sampahan ng kaukulang kaso.