Pondo ng ‘pork’ nagamit daw sa ‘preferential treatment’ ng PCSO
MANILA, Philippines - Tinatanong ngayon ng isang transparency group kung paano nagamit ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi ang pondo buhat sa “pork barrel” noong siya ay kongresista pa para ipandagdag sa bayarin ng kanyang tsuper sa ospital kaugnay ng isyung “preferential treatment”.
Sinabi ni Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) president Jennifer Castro, na nakakalap sila ng liham na pirmado ni Maliksi na sinasabihan si Philippine Heart Center Executive Director Manuel Chua Chiaco Jr. na gamitin umano ang P700,000 balanse ng kanyang pondo buhat sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa pagamutan para mapunan ang balanse sa hospital bill ng tsuper niyang si Celestino Aman.
Umabot sa P2.8 milyon ang hospital bill sa PHC ni Aman at nasa P2.1 milyon na ibinayad ay sinasabing kinuha sa pondo ng PCSO habang ang balanseng P700,000 ay nabayaran buhat sa dating pork ni Maliksi noong Congressman pa siya ng Cavite.
Matatandaan na binatikos ng FATE si Maliksi sa pagpapalabas ng higit P2 milyon pondo sa “medical assistance “ para kay Aman na naratay sa PHC gayung tinutuligsa nito ang “preferential treatment” o pagbibigay ng prayoridad sa mga kakilala o mayayamang pasyente na binibigyan ng medical assistance ng PCSO.
Nilinaw ni Castro na hindi masamang tulungan ang pasyenteng si Aman na totoo namang naratay ngunit tila kabaligtaran umano ang ginawa ni Maliksi sa tinutuligsa nitong “preferential treatment”.
- Latest