MANILA, Philippines - Dapat anyang magpaliwanag si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi sa pagkakaroon nito ng mahigit 30 consultants makaraang maupo ito sa ahensya.
Sinabi ni Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) president Jennifer Castro na kailangang magpaliwanag si Maliksi sa pagbibitbit umano nito ng 21 confidential agents, anim na contractual consultants, limang job orders at dalawa pang special agents nang maupo siya sa PCSO nitong Abril 2015.
Napag-alaman na ang suweldo ng 21 confidential agents ay umabot sa P2.5 milyon ay kinuha sa account ng personnel services sa mga hindi napunuang posisyon hanggang nitong nakalipas na Disyembre 31.
Habang ang suweldo naman ng anim na consultant at limang job orders ay kinuha naman sa “donation budget ng Chairman’s Office.
Sa naturang bilang, nabigyan ng “reappointment” ang 13 confidential agents at 10 consultants ngayong 2016 at patuloy na susuweldo hanggang Marso 31.
Ayon kay Castro na ang pagkuha ni Maliksi ng maraming consultant at agents ay kabaligtaran sa ikinalat niyang balita na wala nang pondo ang PCSO.
May impormasyon din umano ang grupo na ang naturang mga consultant ay hindi regular na nagre-report sa ahensya at palaging absent.