MANILA, Philippines - Naghain ng isang panukalang batas si Saranggani Rep. Manny Pacquiao na naglalayong bigyan ng anim na buwang maternity leave ang mga empleyado.
Sa House Bill 3590, itinatakda nito na ang babaeng empleyado ng gobyerno at pribadong sektor na mag-maternity leave ng 180 days o anim na buwan kapag nakapagtrabaho na ito sa loob ng dalawang taon sa isang kumpanya o higit pa.
Nakasaad din sa panukala na sa loob ng anim na buwan na maternity leave ay buo ang sahod ng isang empleyado.
Kung ang isang empleyado naman ay nakaka-isang taon pa lamang sa trabaho ay entitled pa rin ito sa anim na buwang maternity leave, subalit kalahati lamang ang magiging sweldo nito.
Anya, negatibo para sa babaeng empleyado kung kulang sa panahon para makarekober ang mga ito mula sa panganganak dahil nagiging dahilan umano ito ng absenteeism at humihina ang performance sa trabaho.
Nakasaad pa sa panukala na karamihan sa mga bansa sa Europa ay nagbibigay na ng ganitong kahabang maternity leave at habang sa Asya ay tanging ang Vietnam lamang ang nagbibigay ng anim na buwang maternity leave sa mga empleyado.
Ang Indonesia, Cambodia, China, Laos at Thailand ay nagbibigay lamang ng tatlong buwang maternity leave with pay.