MANILA, Philippines – Napatay ang dalawang rebeldeng miyembro ng New People’s Army (NPA) habang isa ang nasakote matapos na makasagupa ang tropa ng gobyerno kahapon ng umaga sa liblib na lugar ng Brgy. Gibgos, Caramoan, Camarines Sur.
Batay sa ulat, bago naganap ang bakbakan dakong alas-10:20 ng umaga sa nasabing lugar ay kasalukuyang nagsasagawa ng combat operations ang tropa ng Army’s 83rd Infantry Battalion at Army’s 91st Division Reconnaissance Company nang masabat ang grupo ng tinatayang nasa 14 rebelde.
Agad nagkaroon ng mainitang bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng may 15 minuto at dalawa sa mga rebelde ang agad na bumulagta sa insidente na inabandona ng mga nagsitakas nitong kasamahan.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang nasawing rebelde habang masuwerteng wala ni isang sundalo ang nasugatan o nasawi sa sagupaan.
Narekober ang tatlong M16 rifles, isang M 653 carbine rifle, isang M 2013 grenade launcher, tatlong backpacks, tatlong Improvised na bomba at mga subersibong dokumento.