MANILA, Philippines – Pinatay ang isang mekaniko na sinasabing di-nakapagbayad ng P60 na pagkakautang sa biniling balot matapos pagtulungang gulpihin ng magkapatid na lalaki sa Roamsiville, Koronadal City, South Cotabato kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Wilfredo Almodiente ng Sitio Supon, Barangay San Jose sa nasabing lungsod.
Nasakote naman ang suspek na si John Rex Moden habang pinaghahanap ang utol nitong si Jofevon Moden.
Nabatid na pumagitna ang biktima sa away ng suspek na si John Rex at ng asawa nito.
Gayon pa man, nagalit ang suspek sa biktima at siningil ito sa kanyang utang na P60 sa biniling balot.
Nagalit din ang biktima dahil ipinahiya ito sa harap ng maraming tao kaya sumiklab ang away.
Nakihalubilo naman sa away ang kapatid ng suspek na si Jofevon kung saan sinuntok nito sa leeg ang biktima gamit ang tsakorno na naging dahilan nang pagkakatumba nito saka pinagtulungang gulpihin.
Naisugod naman sa South Cotabato Provincial Hospital subalit idineklarang patay ang biktima.