MANILA, Philippines – Limang mangingisda ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa iligal na pangingisda sa karagatan na itinuturing na marine protected area sa Barangay Laiya Ibabao sa bayan ng San Juan, Batangas, kamakalawa. Sa ulat ni PO3 Amado Villanueva ng San Juan PNP na isinumite sa Camp Crame, nakilala ang lima na sina Jimboy Pacino, 24; Ricky Diaz, 22; Allan Decena,19; Lodivico Malutao, 24; mga residente sa Brgy. Dalahican, Lucena City; at si Mario Samarita, 56, ng Brgy. Barualte sa nasabing bayan.
Nasabat ng mga tauhan ng Bantay Dagat ang lima na lulan ng motorized fishing boat habang nangingisda sa itinuturing na marine protected area bandang alas-2 ng madaling araw.
Nasamsam ang dalawang pana, bangkang pangisda na hindi nakarehistro, bangka na walang motor, 10-kilo ng isda at isang compressor. Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8550 (illegal fishing) ang mga suspek.