MANILA, Philippines – Anim-katao ang sinalubong ni kamatayan makaraang sumalpok ang kanilang kotse sa concrete barrier at punungkahoy bago sumabog sa kahabaan ng Calamba at SVD Road sa Tagaytay City, Cavite kahapon ng madaling araw. Sa paunang impormasyon mula sa Tagaytay PNP, binabagtas ng Toyota Vios (AHA 5287) ang kahabaan ng highway sa Barangay San Jose nang mawalan umano ito ng kontrol bandang alas-2:45 ng madaling araw.
Batay sa salaysay ng ilang saksi, mabilis ang takbo ng kotse hanggang bumangga ito sa concrete barrier at punung- kahoy hanggang sumabog at magliyab.
Tinangka pang tumulong ng mga opisyal ng barangay pero sumabog umano ang kotse kaya hindi na naisalba pa ang mga biktima. Hindi pa naman agad makilala ang mga biktima dahil tupok na tupok ang mga ito at wala pang makuhang pagkakakilanlan. Isa sa mga biktima na nakuha ang identification card kaya nakilalang si Ronlyn Bautista, 17, ng Imus City, Cavite.
Ayon sa mga pulis, tanging mga kaanak ng biktima ang kanilang inaantay para kilalanin ang mga biktima na kasalukuyang nakalagak sa isang punerarya sa Barangay Bulihan sa bayan ng Silang, Cavite. Napag-alamang galing sa Batangas ang mga biktima at patungo sana ng Sta. Rosa City, Laguna nang makasalubong si kamatayan. Dagdag ulat ni Ricky Tulipat