MANILA, Philippines – Isang tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pinasabog sa bayan ng Aleosan, North Cotabato kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Sr. Inspector Jun Napat, hepe ng Aleosan Police, bandang alas-11:58 ng gabi nang sumabog ang itinanim na Improvised Explosive Device (IED) ng mga armadong kalalakihan sa tower ng NGCP sa Brgy. Pagangan, Aleosan.
Ang nasabing tower ay may dalawang kilometro ang layo mula sa highway at nasa bulubunduking lugar sa nasabing bayan.
Dalawang poste ng tower ang napinsala sa nasabing pambobomba habang narekober naman sa ikatlong poste ang isa pang IED na mabuti na lamang at hindi pumutok.
Ang pagkawasak ng tower ay nagdulot ng patay-sinding kuryente sa mga bayan ng Pikit, Aleosan, Midsayap, Pigcawayan, Libungan at Alamada sa lalawigan ng North Cotabato.