MANILA, Philippines – Mistulang hayop na kinatay ang isang 25-anyos na ginang ng kanyang hindi pa nakikilalang lover matapos ataduhin nang saksak ang katawan nito sa loob ng isang motel sa Bakakeng Central, Baguio City.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Mercy Mapili, may-asawa, tubong Itogon, Benguet at residente ng Camp 6 Tuba, Benguet.
Pinaghahanap naman ang lalaki na kasama ng ginang na pinaghihinalaang lover nito na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Batay sa ulat, bago nadiskubre ang bangkay ng biktima sa Room No. 32 ng Nova Lodge na matatagpuan sa kahabaan ng Bengao Road, Bakakeng Central ng naka-duty na security guard na si John Paul Lengueb ay nag-checkin ang dalawa dakong alas-4:24 ng madaling araw noong Miyerkules.
Kinabukasan bandang alas-5:00 ng umaga ay tinawagan sa telepono ng naka-duty na security guard ang kuwarto ng mag-lover bunga ng kalabugan na narinig mula sa loob nito.
Sinagot naman umano ng lover ng ginang ang telepono sa pagsasabing mainit lamang ang kanilang romansa kaya may kalabugan.
Ilang oras ang nakalipas ay nagmamadaling tumakas ang lalaki at ng inspeksyunin ng guwardiya ang kuwarto ay bumulaga ang bangkay ng ginang na nakabalot pa sa bedsheet.
Bigong makilala ang suspek dahilan walang CCTV sa nasabing motel.
Ayon naman sa kapatid ng biktima na wala silang masabi kung sino ang lover nito dahilan wala itong alam sa pakikipagrelasyon ng kapatid sa ibang lalaki.