MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 121 estudyanteng mag-aaral sa elementarya ang nalason sa biniling pagkain sa canteen ng kanilang paaralan sa Makati City kahapon ng umaga.
Pawang nasa Grade 1, 2, 3, 4, 5 at 6 na mga estudyante ng Paaralang Elementarya ng Pio Del Pilar o Pio Del Pilar Elementary School, na matatagpuan sa panulukan ng Valderama at P. Binay Sts., Barangay Pio Del Pilar ng naturang lungsod.
Ayon sa isa sa mga biktima, na nakalabas na ng ospital na si John Lloyd Dalagan, 10-anyos, grade 4, apat na beses aniya siyang nagsuka matapos makakain ng sopas at biskwit na binili sa canteen.
Patuloy na sinusuri ng mga doktor kung anong pagkain ang naka-trigger sa mga biktima upang makaranas ng mga pagsusuka at pananakit ng tiyan.