MANILA, Philippines – Inilagay umano sa alanganin ang katayuan ng Supreme Court sa bagong political ads ni Senator Grace Poe.
Ito ang inihayag nina Attys. Raymond Fortun at Romulo Macalintal na kung saan nabanggit sa ads ang disqualification case ng namayapang nitong ama na si Fernando Poe Jr.
Sinabi ni Fortun na ang 30-second TV/radio ad ni Poe ay naglagay sa alanganin ang SC na kung ang lalabas sa desisyon ay magkaiba sa kanilang ipinalabas sa ads.
Ipinapakita ng campaign ad ang magkakapitbahay na pinag-uusapan ang disqualification case ni Poe, at isang babae ay nagsabi na kandidato pa rin si Poe.
Sinabi pa ng babae sa ad ay gayun din ang ginawa ng SC sa amang si FPJ na bandang huli ay pinayagan din na tumakbo.
“Parang pelikula lang yan ni FPJ, nagpapabugbog sa simula!”,wika ng lalaki.
“To come up with an ad that ‘ganyan-ganyan din ang ginawa nila sa tatay nyang si FPJ’ ay panlilinlang sa mga tao gayung ang isyu ay naka-pending pa sa Supreme Court”, wika ni Fortun.
Binigyang diin naman ni Macalintal na ang kaso ni Grace Poe ay kaiba sa kaso ng kanyang amang si FPJ, dahil si FPJ ay idineklarang natural born habang si Senator Poe ay napulot lang kaya ang isyu ay kung tunay na mga Filipino citizens ang kanyang mga tunay na magulang.
Idinagdag pa ni Macalintal na kinukwestyon ang residency ni Grace Poe habang ang kanyang tatay ay walang ganyang kaso.
Magugunita na noong 2004, ay naglabas ng desisyon ang SC na si FPJ ay Filipino kahit na siya ay illegitimate son ng kanyang ina na Amerikana dahil nakuha naman nito ang pagiging citizen dahil sa tatay niya na Filipino.