MANILA, Philippines - Sa pagsisimula kamakalawa ng gun ban sa buong bansa kaugnay ng 2016 presidential elections sa Mayo ay umabot na sa 17 katao ang nadakip ng pulisya sa mga inilatag na checkpoints.
Ito ang inihayag ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, kabilang sa mga nasakote sa gun ban ay 13 sibilyan at isang security guard.
Ilan sa mga ito ay kinilalang sina Julius Labor, 38, na nakunan ng isang cal. 45 pistol; Dondon delos Santos, 35, nakumpiskahan ng isang cal 9 MM; kapwa ng Talacogon, Agusan del Sur; Ramon Simbron, 37, security guard na nakunan naman ng isang cal. 38 revolver; Alfredo Bautista, 33 ng Brgy. Kaligayan, Quezon City na nakumpiskahan ng kalibre 22 na baril na may tatlong bala sa kanyang bewang; Amado Cruz, 18, ng Pasig City na nakumpiskahan ng improvised na baril; Atlano Sahijuan, 25; at Nadzfar Imnaji, 19 kapwa naninirahan sa Brgy. Bagsak, Talipao, Sulu.
Ang election gun ban ay nag-umpisa nitong Enero 10 upang matiyak ang SAFE ( Safe and Fair Elections) 2016 na tatagal hanggang Hunyo 8 o isang buwan matapos ang May 9 national at lokal na halalan sa bansa.