MANILA, Philippines - Huwag magbigay ng ‘protection money’ sa New People’s Army (NPA) kaugnay ng gaganaping pambansa at lokal na halalan sa Mayo ng taong ito.
Ito ang panawagan kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kandidato sa iba’t ibang panig ng bansa sa gitna nang napaulat na pagpapataw ng Permit to Campaign (PTC) at Permit to Win (PTW) ng NPA rebels sa mga kandidato.
Sila ay hinihingan ng malaking halaga ng pera, baril, bala, pagkain at iba pa na kung hindi pagbibigyan ay isasabotahe umano ang pangangampanya sa kanilang mga balwarteng teritoryo.
Sinabi ni AFP - Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Col. Noel Detoyato na hindi dapat matakot ang mga kandidato sa mga rebelde na nagsasamantala lamang sa pagde-delihensya sa tuwing panahon ng kampanya para sa halalan.
Nabatid na aktibo na umano sa pagpapadala ng ‘extortion letter’ ang mga rebelde sa mga malalayong probinsya sa mga kandidato na tinatakot ng mga itong isasabotahe ang pangangampanya kapag hindi nagbigay ng hinihingi na suporta sa armadong kilusan.
Humihingi ng P500,000 hanggang P1 M ang mga rebelde sa mga kandidatong gobernador; P300,000 – P500,000 sa mga Kongresista; P200,000 – P300,000 sa mga bokal; P 100,000-P200,000 sa mga alkalde; P 100,000 sa mga bise alkalde at sa mga konsehal ay P50,000 hanggang P100,000.
Ang iba naman ay mga armas, bala at pagkain ang hinihingi na kung hindi tatalima ay isasabotahe ang pangangampanya at tatambangan.
Dapat isipin ng mga pulitiko na nauna nang nagbabala ang Comelec na ididiskuwalipika ang kanilang kandidatura kapag napatunayang tumalima sa ‘extortion demand’ ng NPA rebels ngayong panahon ng halalan.