MANILA, Philippines – Nasawi kahapon ang dalawang debotong lalaki sa kaganapan ng Traslacion ng Itim na Nazareno matapos mawalan ng malay at makaramdam ng paninikip ng dibdib sa magkahiwalay na lugar sa Quiapo at Arroceros, Ermita, tabi ng Manila City Hall.
Hindi pa ibinunyag ang pangalan ng 27-anyos na lalaki na nasawi sa tapat ng Bonifacio Shrine, tabi ng Manila City Hall na dinaanang ruta ng prusisyon.
Ayon kay Philippine Red Cross (PRC) Secretary Gwendolyn Pang na ang unang biktima ay residente ng Blumentritt na nakitang nag-seizure bago nawalan ng malay matapos mahirapang huminga nang sumampa sa andas na pansamantalang nakatigil sa tapat ng City Hall.
Ang ikalawang nasawi ay ang 48-anyos na si Mauro Arabit, hindi naman sumama sa prusisyon bagkus ay dumalo sa banal na misa sa Quiapo Church kahapon ng umaga ay biglang nanikip ang dibdib habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay at nabagok ang ulo sa semento.
Naitakbo pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima, subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Nabatid na marami rin ang sinumpong ng high blood pressure, nahilo at hinimatay sa hanay ng mga deboto ng Itim na Nazareno.
Napaulat rin na marami ang nabiktima ng mga mandurukot kabilang ang isang reporter ng Radio Mindanao Network na nawalan ng P4,000 cash, ATM card at ID habang nagko-cover sa kasagsagan ng prusisyon.
Sa assessment ng NCRPO bandang ala-1:00 ng hapon, tinatayang nasa 1.3 milyon ang mga debotong lumahok sa prusisyon na nakitang naglakad sa may Jones Bridge habang nasa 70,000 naman ang mga deboto na nasa simbahan ng Quiapo.