MANILA, Philippines – Lusot na sana sa ginawang panghoholdap ng tatlong lalaki na tumatakas gamit ang tricycle nang masalpok nila ang motorsiklo ng isang pulis kamakalawa ng gabi sa Lacson Avenue, Sampaloc, Maynila.
Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Raymundo Pusong, 28;Mark Anthony Arnaldo, 23; at Jeffrey Lim, 27, kapwa mga binata, at residente ng no. 1302 Torres Bugallon St., Tondo.
Bago ito, dakong alas-11:30 ng gabi nang mangholdap ang mga suspek sa mga naglalakad na tao sa Laong-laan St., kanto ng Lacson Avenue tapat ng Bank of the Philippine Islands.
Tinutukan ng patalim ang mga biktima at pinagkukuha ang kanilang cellphone may kabuuang halaga na P25,000.
Nang makita ng security guard na si Michael Dequina ng Forbes Dormitory ay hinabol ang mga ito, subalit nakasakay kaagad sa nakaparada nilang tricycle.
Sa pagmamadali ay nabangga nila ang kasabayang tumatahak sa Lacson Avenue ang motorsiklo na minamaneho ni PO1 Kenneth Campos na noon ay nakasibilyan.
Agad silang sinita at inaresto sa tulong ni SG Dequina at itinurn-over sa UBA Police Community Precinct.