MANILA, Philippines – Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 32-anyos na lalaki nang barilin kamakalawa ng hapon ng kapitbahay na kanyang sinaksak may tatlong taon na ang nakakalipas sa Tondo, Maynila.
Ang nasawi dahil sa tama ng bala ng kalibre 45 ay kinilalang si Jojo De Vera, binata, miyembro ng Sputnik gang at residente ng Unit 519 Building 20, Permanent Housing, Tondo.
Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Roy Sanchez, alyas “Totong Dela Cruz”, 60, pintor at residente ng Unit 515 Building 24, Permanent Housing, Tondo.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-2:00 ng hapon sa harapan ng Kalayaan Hall ng Barangay 129, Zone 11, District 1 sa Rodriguez St., Balut, Tondo ay papauwi na ang biktima mula sa pakikipaglamay nang lapitan siya ng suspek at walang kaabog-abog na binaril ng tatlong beses.
Batay sa imbestigasyon na may kinimkim na galit ang suspek sa biktima nang ito ay saksakin ng huli may 3 taon na ang nakakalipas na halos ikasawi ng una.