Retiradong AFP, PNP isama sa umento-Trillanes
MANILA, Philippines – Isama ang mga retired members ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police at iba pang uniformed services sa Salary Standardization Law 4.
Ito ang naging panawagan kahapon ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV kay Pangulong Benigno S. Aquino III.
Si Trillanes ang pangunahing author at sponsor ng Senate Bill No. 2671 o ang panukalang SSL4.
Sa ilalim ng kanyang orihinal na panukala sa Senado, ang mga pensyon ng mga retiradong miyembro ng mga nasabing organisasyon ay tataas din kasabay nang pagtaas ng sahod ng mga kawani ng gobyerno, alinsunod sa Presidential Decree 1638 at Republic Act No. 8551.
Subalit sa bersyon na itinutulak ng Malacañang, ang probisyong ito o tinatawag na indexation ng military pension ay tinanggal dahil sa sinasabing matinding kakapusan sa budget ayon sa Department of Budget and Management.
Hindi naaprubahan ng Kongreso ang panukala bago magsara ang sesyon noong Disyembre dahil sa magkaibang bersyon na tinutulak ng bawat Kapulungan.
Kasama ang pagtaas ng pensyon ng mga retiradong miyembro sa bersyon ng Senado, samantalang ang bersyon ng Malacañang naman ang itinutulak ng Mababang Kapulungan.
Umaasa si Trillanes na tututulan ng Malacañang ang pagsama ng indexation provision sa SSL4, na maaaring mag-aantala sa agarang pagpapatupad ng panukala at makakaapekto sa mga kawani ng gobyerno kaya’t umaapela ito sa Pangulo.
Sa P3.002 trilyon national budget para sa 2016, P57.9 billion ay nakalaan para sa pagpapatupad ng unang bahagi ng SSL4 at karagdagang P9 bilyon ay kakailanganin para sa indexation ng mga retiradong sundalo at pulis sa unang taon ng pagpapatupad ng batas.
Anya ang gobyerno ay marapat lamang na magpakita ng malasakit, kundi man pasasalamat sa mga sakripisyong inialay ng mga retiradong sundalo at pulis.
- Latest