MANILA, Philippines – Pinagbabaril ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang isang constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) habang nagmamando umano ng trapiko sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ay kinilalang si Sidney Role, 38, may-asawa, residente ng Sitio Lukban, Cogeo Antipolo City, Rizal.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaril sa biktima dakong alas-2:00 ng madaling araw sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa Tandang Sora Avenue, Barangay Old Balara ay nagmamando umano ang biktima ng trapiko nang parahin nito ang isang motorsiklo dahil sa pag-counter flow.
Bumaba ang angkas ng motorsiklo at walang kaabog-abog na binaril ang biktima.
Bulagta ang biktima at nang tinangkang tulungan ng kanyang kapatid na si Richie na nagkataon na nandoon ay tinutukan din ng baril ng angkas bago mabilis na tumakas.
Isinugod ang biktima ng kapatid sa East Avenue Medical Center, subalit ganap na alas-2:35 ng madaling araw ay binawian ito ng buhay dahil sa multiple gunshot wounds sa ulo.