MANILA, Philippines – Nasa 42 katao ang naging biktima ng ligaw na bala sa pagpasok ng 2016.
Ito ang inihayag ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, mula sa 17 kataong naitalang biktima ng ligaw na bala nitong Disyembre 31, 2015 ay tumaas pa ito hanggang hatinggabi ng Enero 1, 2016 na umabot sa 42 biktima.
Ang monitoring ng PNP sa Iwas Paputok /Disgrasya 2015 para sa Ligtas Paskuhan na nag-umpisa noong Disyembre 16 ng nakalipas na taon kasabay ng Simbang Gabi ay mananatili hanggang Enero 5 ng taong ito.
Ayon kay Mayor ay pito sa mga biktima ay menor de edad kabilang ang isang 3-anyos na batang babae na unang naiulat na tinamaan ng ligaw na bala sa tiyan noong Disyembre 16, 2015 sa Sirawai, Zamboanga del Norte.
Sa kaso ng indiscriminate firing ay nakapagtala ang PNP ng walong sangkot dito kabilang ang anim na sibilyan, isang pulis at isang security guard.