MANILA, Philippines – Umaabot na sa 85-katao ang nasugatan sa paputok, isa ang namatay sa ligaw na bala sa naitalang 12 biktima habang 2,017 namang insidente ang naitala ng pulisya kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PNP Spokesman P/Chief Supt. Wilben Mayor, ang nasabing bilang ay naitala simula ng iimplementa ng PNP ang “Iwas Paputok /Disgrasya 2015” sa ilalim ng “Ligtas Paskuhan” simula Disyembre 16, 2015 hanggang Enero 5, 2016.
Inaasahang tataas pa ang bilang sa hatinggabi ng Disyembre 31 sa pagsalubong sa Bagong Taon hanggang sa huling araw ng monitoring ng PNP sa Enero 5, 2016.
Nakapagtala rin ang PNP ng kabuuang 207 insidente kabilang ang 96 naaresto sa pagbebenta ng illegal na paputok habang isang 9-anyos na nene na namatay sa ligaw na bala na ikinasugat din ng 11-katao at 7 nasakote sa illegal na pagpapaputok ng baril.
Kinilala ang biktimang bata na si Lorena Santos Cruz na tinamaan ng ligaw na bala sa likurang bahagi ng katawan noong bisperas ng Pasko sa Brgy. San Mateo, bayan ng Norzagaray, Bulacan.
Kabilang naman sa naitalang sugatan sa ligaw na bala ay sina Calsum Henio, 3, ng Sirawai, Zamboanga del Norte; Hawati Asakil Hanapi, 50, ng Zamboanga City; Danilo Carpio, 34, ng Bayambang, Pangasinan; Ronald Paquinto, 21, ng Aguinaldo House sa Rizal Park sa Ermita, Maynila; Ryan Aspa, 32, ng General Trias, Cavite; Eusebio de Guzman Jr.ng Brgy. Ibayo Tipas, Taguig City; Josh Martin Bersolango, 12, ng Silang, Cavite; Romeo Villanueva Jr., 22 ng Tondo, Manila; Ernesto Masquite, 5, ng Tondo, Manila; at si Aprisilla Saulog ng Gen. Trias, Cavite.
Samantala, 7-katao naman ang nasakote sa illegal discharge of firearms na kinabibilangan ng limang sibilyan, isang pulis at isang security guard.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa inisyal na mahigit P1 milyong halaga ng mga ipinagbabawal na paputok ang nasamsam.