MANILA, Philippines - Tuluyang binitay kahapon sa pamamagitan ng pagpugot sa Saudi Arabia ang OFW na si Joselito Zapanta matapos mabigong mabayaran ang hinihinging blood money ng pamilya ng pinatay niyang Sudanese noong 2009.
Kinumpimra ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Charles Jose ang pagbitay kay Zapanta kahapon bandang alas-2:20 ng hapon (Philippine time) matapos hindi mabayaran ang blood money na P48 milyon kapalit ng kapatawaran sa pagpatay nito sa kanyang Sudanese landlord.
Hinatulan ng parusang bitay ng korte sa Saudi Arabia noong 2010 si Zapanta kaugnay sa kasong pagpatay sa Sudanese landlord dahil sa awayan sa renta.
Pumayag ang pamilya ng Sudanese na patawarin si Zapanta kapalit ng pagbabayad ng SR4 million (P48 milyon) blood money.
Nakalikom lamang ng P23 milyon para sa blood money ni Zapanta ang pamilya nito mula sa Pampanga subalit nagtakda ang Saudi court na dapat mabayaran ang blood money noong Nobyembre 14, 2015 kundi itutuloy ang bitay hanggang sa bigyan ng palugit na bayaran ang blood money noong Pasko pero hindi pa din naabot ang nasabing halaga.
Iginiit ng Palasyo na ginawa ng gobyerno ang lahat ng tulong kay Zapanta upang mailigtas sa parusang bitay hanggang sa ilang ulit na umapela sina Pangulong Benigno Aquino III at Vice President Jejomar Binay sa Saudi government. – Rudy Andal at Ellen Fernando