Mga kalsada sa Makati City, isasara
MANILA, Philippines - Asahan ang matinding trapik dahil isasara ang ilang pangunahing lansangan sa Makati City bukas (Disyembre 31) upang bigyan daan ang idaraos na Shout! Makati New Year’s Eve Countdown sa University (UMAK) of Makati Track & Field Oval.
Sa abiso kahapon ng Information Community Relation Department (ICRD) ng Makati City Hall, nabatid na simula alas-2 ng hapon ng Disyembre 31 hanggang alas-2 ng madaling araw ng Enero 1, 2016, isasara sa mga motorista ang kahabaan ng J. P. Rizal Extension mula Lawton Avenue hanggang Buting.
Tanging mga residente lamang sa mga Barangay West Rembo at Barangay East Rembo ang papayagang dumaan at kikilalanin pa ito ng Bantay Bayan personnel para tiyakin kung talagang nakatira sila sa nabanggit na mga lugar.
Dahil inaasahang magdudulot ito ng matinding trapik kaya pinayuhan ang mga motorista gumamit ng mga alternatibong ruta kabilang ang Kalayaan Avenue papuntang C-5 Road at Buting.
Ang mga sasakyang magmumula sa Guadalupe/EDSA ay maaring kumanan sa Lawton Avenue, kaliwa ng Kalayaan Avenue at kanan ng C-5 Road patungong destinasyon (southbound) o kaya sa elevated U-turn at kanan patungong Buting at Pateros saka dumiretso patungong Pasig (northbound).
Tanging ang mga sasakyan lamang na may car pass ang papasukin sa UMAK at Makati Park and Garden.
Samantala, ipapatupad ang one-side parking sa kahabaan ng J.P. Rizal Extension (UMAK side).
- Latest