MANILA, Philippines – Dalawang sundalo ang napaslang makaraang sumiklab ang bakbakan ng tropa ng militar laban sa mga teroristang Abu Sayyaf Group sa liblib na lugar sa Barangay Mampallam, bayan ng Talipao, Sulu kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Major Felimon Tan, spokesman ng AFP -Western Mindanao Command, bandang alas- 2 ng madaling araw nang sumiklab ang bakbakan sa Sitio Palan habang nagsasagawa ng security patrol operation ang tropa ng Philippine Marines.?Sa sorpresang pag-atake, dalawang sundalo ng Philippine Marines ang napatay habang isa naman ang nasugatan kung saan gumanti ng putok ang mga sundalo na nagresulta sa 15-minutong bakbakan.
Mabilis na nagsitakas ang grupo ng Abu na pinaniniwalaang nalagasan din sa pakikipagpalitan ng putok sa tropa ng military na naatasang magsagawa ng law enforcement operations laban sa ASG na sangkot sa kidnapping.
Ipinaabot naman ni Lt. Gen. Mayoralgo Cruz, chief ng AFP Western Mindanao Command ang pakikiramay sa naulilang pamilya ng mga sundalo at tiniyak ang tulong sa mga kinauukulan.