MANILA, Philippines – Umabot sa 29 mountaineers ang na-trap sa Mt. Pinatubo ang nasagip ng tropa ng militar sa isinagawang rescue operation kahapon sa bayan ng Porac, Pampanga.
Sa pahayag ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, dalawang babaeng mountaineers at isang lalaki ang sugatang nasagip at dinala na sa pagamutan.
Base sa ulat, napilitan na ang mga hikers na tumawag sa Pampanga Tourism Office dahil naubusan ng pagkain at tubig matapos ma-trap sa tuktok ng Mt Pinatubo na inakyat ng mga ito noong Sabado.
Nang mabatid ang insidente ay agad nagdispatsa ng Sikorsky S76 aircraft at UH-IH helicopter ang Philippine Air Force (PAF) mula sa Crow Valley, Tarlac upang tumulong sa rescue operations.
Bukod dito ay nagdispatsa rin ng military truck ang Philippine Army na naka-standby sa bayan ng Porac, Pampanga.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon, ayon kay Office of Civil Defense Region 3 Spokesman Nigel Lontoc na hindi nakipagkoordinasyon at hindi rin humingi ng clearance o permiso sa Tourism Office ang mga mountaineer nang umakyat sa Mt. Pinatubo.
Kabilang naman sa nagsasagawa ng rescue operations sa loob ng anim na oras na paglalakbay bukod sa mga sundalo ng AFP ay ang Porac PNP, Quick Response Team ng Porac at ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Pampanga.