PO1 tiklo sa indiscriminate firing
MANILA, Philippines – Kalaboso ang 29-anyos na bagitong pulis matapos itong arestuhin ng mga kabarong pulis dahil sa illegal na nagpapaputok ng baril sa Malate, Maynila sa kabila ng umiiral ang Iwas Paputok/Disgrasya 2015 campaign ng PNP.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office, kinilala ni PNP spokesman P/Chief Supt. Wilben Mayor ang suspek na si PO1 Francis Nepomuceno, nakatalaga sa NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sa inisyal na imbestigasyon, si PO1 Nepomuceno ay nagpaputok ng baril noong nakalipas na isang linggo at nakumpiska ang isang Glock 17 pistol.
Si Nepomuceno ay kabilang sa anim-katao na naitala ng PNP na sangkot sa illegal discharge of firearms simula ng ipatupad ang Oplan Ligtas Paskuhan nitong Disyembre 16 sa pagsisimula ng Simbang Gabi at tatagal hanggang Enero 5, 2016.
Nahaharap naman sa kasong alarm scandal ang nasabing pasaway na bagitong pulis bukod pa sa kasong grave misconduct sa pagsuway sa kautusan ni PNP Chief Gen. Marquez.
Una rito, nagbabala si PNP Chief Director General Ricardo Marquez na sisibakin sa serbisyo ang sinumang mapapatunayang nagpaputok ng baril kaugnay ng Iwas Paputok /Disgrasya 2015 campaign ng PNP para matiyak ang mapayapa at matiwasay na pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest