MANILA, Philippines – Dinampot ng mga otoridad ang isang ginang matapos na makuhanan ito ng isang lalaking fetus na dinadala niya habang nanghihingi ng pamasko sa mga residente sa kahabaan ng Mother Ignacia Avenue, Quezon City.
Ang ginang ay nakilalang si Ernesta Mercare, isang Badjao na lumuwas lamang ng Maynila para manghingi ng Pamasko.
Batay sa ulat,dakong alas-10:00 ng umaga sa kanto ng Scout Borromeo ay dinampot ng Barangay South Triangle sa pamumuno ni Pamela Maracha ang ginang nang makarating sa kaalaman nila na isang ginang na may kasama pang ibang miyembro ng Badjao ang may bitbit ng fetus habang nanghihingi ng pamasko sa kalye.
Nakuha sa ginang ang nangangamoy at naagnas na fetus na nakabalot sa papel at nakalagay sa loob ng isang plastic box na ipinapakita sa bawat taong hinihingan nito ng pamasko o limos.
Ayon sa isang social worker, pinalalagay ng mga Badjao na suwerte sa kanila ang dala ng nasabing fetus kung kaya hindi nila ito itinapon, pero maaring magdulot ng masama sa kanilang kalusugan lalo na at naagnas na ito.
Sinamahan ng mga social worker ang ginang sa pagdadala ng fetus sa Laguna upang doon ito ilibing.