11 kelot timbog sa Cubao drug raid

MANILA, Philippines – Naaresto ng mga ope­ratiba ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs ang 11 lalaki sa isang  drug raid operation sa isang apartelle kasunod ang isinagawang buy bust operation sa lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-11:00 ng gabi nang magsagawa ng raid ang mga pulis sa 14 Avenue Apartelle, Cubao na matatagpuan sa Barangay Soccorro.

Ang anim sa mga nadakip ay mga bus driver at kawani ng isang bus company habang ang apat ay mga tauhan ng apartelle.

Bago ang pagsalakay, nakatanggap umano ng impormasyon ang mga operatiba kaugnay sa nagaganap na transaksyon ng iligal na droga sa nasabing apartelle at pagiging kuta ito ng mga gumagamit ng shabu na  karamihan sa mga parukyano ay mga driver at konduktor ng bus.

Dalawang linggong minanmanan ng mga otoridad ang nasabing lugar at nang magpositibo ay saka isinagawa ang isang buy bust operation at  nadakip ang isang Reynaldo Rotasi, isang suspendidong bus driver at tulak ng droga.

Nang pasukin ang apartelle ay saka naaktuhan ang iba pang mga suspek  habang tumitira ng shabu.

Narekober sa lugar ang isang bulto ng iligal na droga na shabu na pinaniniwalaang may street value na P60,000 hanggang P70,000 at iba pang drug paraphernalias.

Show comments