AFP alerto sa anibersaryo ng NPA
MANILA, Philippines – Nakaalerto pa rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kabila ng implementasyon ng 12 araw na unilateral ceasefire kaugnay ng pagdaraos ng ika-47 taon bukas ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, binigyan na nila ng direktiba ang tropa ng mga sundalo lalo na sa mga kanayunan na manatiling vigilante kontra sa mga patraydor na pag-atake ng NPA rebels.
Anya, bagaman umiiral ang 12 araw na unilateral ceasefire sa pagitan ng magkabilang panig ay nasa ‘defensive mode’ ang AFP troops laban sa pananabotahe sa tigil-putukan ng komunistang grupo.
Nangangahulugan ito na gagamitin lamang nila ang kanilang mga armas kapag ang NPA rebels, ang armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang nanguna sa pag-atake.
Ang unilateral ceasefire ng AFP ay nag-umpisa dakong alas-12:01 ng madaling araw nitong Disyembre 23 at magtatapos dakong alas-11:59 ng gabi sa Enero 3 ng susunod na taon.
- Latest