MANILA, Philippines - Muling nakuha ni UNA presidential bet, Vice President Jejomar Binay ang pagiging number 1 sa survey.
Batay sa data ng Pulse Asia na isinagawa noong Disyembre 4-11, 2015 ay nakakuha si Binay ng 33 percent; Duterte-23 percent; Sen. Grace Poe-21 percent; dating DILG Sec. Mar Roxas-17 percent, habang si Sen. Miriam Santiago ay nakakuha ng 4 percent na batay sa 1,800 respondents.
Matatandaang dati nang nangunguna si Binay, bago pa ang filing ng certificate of candidacy (CoC), pero nalagpasan siya ni Poe at Duterte sa nakaraang survey.
Sinabi ni Binay, na ang lumabas na survey ay nagpapakita lang ng sentimyento ng mga tao na nais siyang maging pangulo at ang tunay na resulta ng survey ay sa araw ng eleksiyon.
Anya, sa gitna ng maruming pamumulitika ay marami pa rin ang patuloy na nagtitiwala sa kanyang kakayahan na pamunuan ang bansa at pinasasalamatan nito ng taos puso sa mga kababayan na walang sawang pagsuporta sa kanya.
“Mahalaga para sa akin na makausap ang ating mga kababayan, alamin ang kanilang mga problema at pag-usapan ang solusyon lalo na sa problema ng laganap na kahirapan”,wika ni Binay.
Idinagdag pa ni Binay na higit niyang pagsusumikapan na makapagbigay ng maayos na serbisyo-publiko bilang sukli lalo na sa masang Pilipino na hindi siya iniwan.
Inaasahan rin ni Binay na gagawin ang lahat ng kanyang kalaban para siraan ang kanyang pangalan at pagkatao na sana ay magsama-sama na lamang na bigyang pansin ang pagtulong sa mga biktima ng bagyo sa Gitnang Luzon, Samar, at Mindanao.