MANILA, Philippines - Nakatakdang tulungan ng Initiatives for Life and Actions of Women (ILAW) ang mga kababaihan at batang dumaranas ng matinding depresyon sa buhay sa paglulunsad ng proyekto ni Jerika Ejercito Estrada,anak ni Manila Mayor Joseph Estrada na tutulong sa mga biktima ng iba’t ibang pang-aabuso na tinaguriang “Brenda.”
Matapang na inamin ni Jerika na siya mismo ay dumanas noon ng depresyon kasunod ng pagkakatanggal sa puwesto at pagkakakulong ng kanyang ama bilang Pangulo ng bansa.
Ang sariling karanasang ito at ang kanyang pagiging ina ang nagtulak sa kanya upang itatag ang ILAW at ngayong siya ay ina na rin, mas nauunawaan niya ang mga hirap at pagtitiis na pinagdaraanan ng isang babae, lalo na ang mga mahihirap na maaaring walang kakayahan at pangtustos upang maka-access ng kaukulang ayuda upang masolusyunan ang depresyon.
Lubos niyang ikinalulungkot ang panghahamak at paggawang katatawanan sa mga taong may depression at mental problems na kadalasang tinatawag na “Abnoy” o “Brenda.”
Malapit kay Jerika ang isyu ng mental health ay katunayan ay nagtayo siya ng sariling foundation ang “Be Healed” – apat na taon na ang nakakaraan, na tinatawag na ngayong “I am the Issue” na tumutulong hanggang ngayon sa mga kababaihan na dumaranas ng matinding depresyon.