MANILA, Philippines - Asistihan ang mga local government units (LGUs) lalo na ang mga naapektuhan ng matinding sakuna o kalamidad.
Ito ang panawagan kahapon ni Vice President Jejomar Binay sa national government kasunod ng kanyang pagbisita sa mga lalawigan na sinalanta ng bagyong “Nona” partikular ang Catarman at iba pang mga bayan sa Northern Samar.
Si Binay na presidential bet ng United National Alliance (UNA) ang kauna-unahang opisyal ng gobyerno na bumisita sa nasabing lalawigan matapos na hagupitin ni Nona ang lalawigan na nasa P974 milyon ang pinsala.
Sa ulat na tinanggap ni Binay nang magkaroon ng briefing kasama si Northern Samar Governor Jose Ong, nabatid na umaabot sa 90 porsyento ng lalawigan ang sinalanta ng bagyo.
Matapos na bisitahin ang Catarman, nagsagawa rin si Binay ng occular inspections sa mga bayan ng Bobon, San Jose, Rosario, Lavezares at Allen.
Hinimok din nito ang mga LGUs na suportahan ang pagsususumikap ng national government na ma-mitigate ang impact ng climate change kasabay ng kanyang panawagan na tulungan ng gobyerno ang LGUs sa disaster response.