MANILA, Philippines – Patay ang isang sundalo ng Philippine Air Force matapos makipagbakbakan sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Nasugbu, Batangas kahapon ng hapon
Ayon kay P/Senior Supt. Arcadio Ronquillo, Batangas PNP director, sinugod ng mga rebeldeng NPA ang detachment ng 730th Combat Group ng PAF 710th Special Operations Wing sa Barangay Calayo bandang alas-3:30 ng hapon.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok hanggang sa matamaan at mapatay si Staff Sergeant Armando Silvestre, 47.
Mabilis na tumakas ang mga rebelde matapos ang enkwentro kung saan nakalagak ngayon ang labi ng sundalo sa Saint Peter Funeral Homes in Nasugbu.
Kinondena naman ng Armed Forces Southern Luzon Command (Solcom) ang insidente tatlong araw makaraang ianunsyo ang 12-day unilateral ceasefire ng Communist Party of the Philippines (CPP).