Helper nabagsakan ng glass frame, pisak

MANILA, Philippines – Patay ang 22-anyos na helper matapos itong madaganan ng toneladang salamin habang idinidiskarga sa trak patungong ika-9 na palapag ng gusali sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon

Kinilala ang biktima na si Ever Dances Rosselosa ng Block 13 Lot 8 NorthVille 2 sa A Canumay, Valenzuela City.

Si Rosselosa ay nabagsakan ng 47 piraso ng glass frame na may sukat na 7x7 na sinasabing kumalas sa pagkakatali sa delivery truck.

Isa pang helper na hindi natukoy ang pagkakakilanlan ang nabagsakan din subali’t hindi pa natukoy ng mga awtoridad ang pinagdalhang ospital.

Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa World Trade Exchange Building sa Juan Luna Street noong Sabado ng hapon.

Sa imbestigasyon, dini­diskarga ang mga glass frame nang humulagpos at nagbagsakan sa gilid ng truck na minaneho ni Eduardo Fernandez.

Nang makita ng biktima na pabagsak na ang mga glass frame ay napatakbo ito palayo subalit natapilok kaya nabagsakan at nagkadurug-durog ang mga salamin sa kaniyang katawan. Ang mga biktima at driver ay hindi kawani ng glass supplier sa nasabing building kundi kinontrata lamang ang truck at mga helper para ideliber ang mga salamin.

Show comments