Mag-asawa tigok sa road mishap

MANILA, Philippines – Hindi na maipagdiriwang ng mag-asawa ang araw ng Pasko matapos na maipit at mamatay sa kanilang sasakyan na sumal­pok sa concrete barrier sa naganap na banggaan sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Barangay Malhacan, Meycauayan City, Bulacan kahapon ng umaga.

Naisugod pa sa Valenzuela General Hospital ng Aeromed Rescue Unit su­balit hindi na rin umabot ng buhay ang mag-asa­wang sina Fernando Cordero, 64; at Isidra Cordero, 60, mga nakatira sa General Luna Street, Malabon City.

Samantala, sumuko naman sa pulisya ang drayber na si Reymar Lucenio ng Harmony Hills II, Brgy. Loma De Gato, Marilao habang tumakas naman ang isa pang drayber ng sasakyang closed van na hindi naplakahan.

Ayon kay PO3 Ro­bert Bergado, patungong Maynila ang mag-asawang lulan ng owner-type jeep (NPD-396) na bumabagtas sa kahabaan ng North Luzon Expressway nang salpukin ng closed van matapos itong lumipat ng lane 3.

Gayon pa man, sinalpok din ng sasakyan ni Lucenio ang likurang bahagi ng jeep ng mag-asawa kaya nawalan ito ng control at sumalpok naman sa concrete barrier ng highway.

Kaagad namang sumaklolo ang rescue team at isinugod sa ospital ang mag-asawa pero namatay din.

Show comments